pipiliin ka.
1/16/2020 in Poems
Baka kasi pinipili natin ang sarili natin para lang piliin din tayo ng buhay,
hindi para maging mas malakas kapag haharap na tayo sa panibagong araw.
Dahil hindi lahat ng gusto ng buhay para sa atin ay gusto natin,
at minsan ay pinipili nito ang iba kaysa sa atin.
Piliin mo pa rin ang sarili mo, dahil wala nang ibang gagawa nito kundi ikaw.
Piliin mo ang sarili mo kahit wala kang makitang dahilan para gawin ito.
Piliin mo ang sarili mo.
Alalahanin mo ang pangalan mo.
Buuin mong muli ang iyong prinsipyo.
Piliin mo ang sarili mo at ang mga bagay na magbibigay ngiti sa mga labi mo.
Pilitin mo ang sarili mo na muling magsulat.
Iungkat ang pangarap na nilimot na ng oras.
Walang taong huli sa paulit ulit na sumusubok.
Piliin mo ang sarili mo at ang pagmamahal na nagbibigay init sayo.
Ibigin mo ang pagmamahal na kasama mong bumabangon sa umaga
hanggang sa pagpikit ng iyong mga mata.
Ito ang sisindi ng apoy sayong mitsa.
Piliin mo ang sarili mo at ang mga salitang babaunin mo sa iyong bulsa.
Pakinggan mo ang mga bulong na naniniwala.
Hangga’t may tinig na nagsasabing kaya mo,
may dahilan ka pa para patunayan ang sarili mo.
Kaya’t wag mong sabihing kailangan mong hanapin ang sarili mo,
dahil wala ka nang makikitang isa pang ikaw.
Piliin mo lang na balikan ang iniwan.
Alalahanin ang kinalimutan.
Buhayin ang pusong pinatay ng balisa.
Araw-araw mong piliin ang sarili mo.
(Wrote this on my journal, December 29, 2019.)