sa lunan icon

para sa buhay na maaari ka pang magkaron

10/2/2020 in Journals

Kailangan mong maging matapang para sa buhay na maaari ka pang magkaroon. Alam ko kasi nahihirapan ka na. Pakiramdam mo wala kang nagagawang kahit anong tama. Iniisip mo napag-iiwanan ka na, na hanggang dyan ka na lang, na hanggang saan ka pa ba. Napapagod ka na magtiwala dahil parang lagi na lang nauuwi sa wala. Kumbaga, gusto mo lang makita kung malapit ka na ba doon sa lugar na gusto mong puntahan dahil kung malayo pa ay parang gusto mo na lang bumalik. Sana kahit ganoon nga ang nararamdaman mo, magpatuloy ka pa rin. Sana kahit tama ako, magtiwala ka pa rin na may dadating at may dadating. Andito ka na, huwag mo sanang sayangin ang itinakbo mo noong punong-puno pa ng pag-asa at pagmamahal ang puso mo. Ang mahalaga naman yung kung saan ka dinala ng mga inspirasyon mo diba? Sana kahit makita mong nauubos na ang mga tiwala, babangon ka pa rin at pipiliing lumaban pa ulit. Hindi naman talaga iyon ang rason kung bakit ka nagpapatuloy dahil ang pagmamahal mo sa buhay na maaari ka pang magkaroon ang totoong rason kung bakit hindi ka dapat sumuko. Kahit maubos ang tiwala, nasa iyo ang totoong langis para makapunta sa paroroonan. Para sa iyo ang bawat pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito kaya’t huwag mong sabihing hindi mo mahanap ang halaga mo. Ganoon ka kahalaga, na kahit ang bawat araw ay sabik na makasama ka. Huwag mo sanang kalimutan iyon. Huwag mo din sana kalimutang ngumiti sa tuwing sasalubungin mo ang umaga, araw-araw.

Patuloy lang, para sa buhay na maaari ka pang magkaron.

salunan.com

© Copyright 2026