isasayaw ka sa ulap
11/22/2022 in Stories
Iyon ang gabi na kahit hindi ko araw-araw na balikan ay alam kong hindi mawawala sa alaala ko. Yung gabi na pinakahihintay ng lahat noong hayskul ay yung gabi rin na alam kong hindi ko dapat palampasin. Buti na lang, dahil doon ko unang naisayaw ang matagal ko nang gustong maisayaw. Hindi lang isa, kundi hindi ko mabilang na pagkakataong hawak namin ang kamay ng bawat isa.
Una kaming nagkakilala noong nasa ikalawang taon ako sa hayskul. Transferee ako noon kaya kailangan kong sanayin ulit ang sarili ko sa mga bagong mukha. Hindi naman mahirap sa akin ang pagkakabisado sa mga pangalan, ngunit ang pakikipagkaibigan ang isa sa mga kahinaan ko noon pa man. Mabilis ang araw na iyon. Nagsimula ang unang klase sa polynomials at maagang natapos ang huling klase sa figures of speech. Dahil wala pa akong kilala, maaga akong umuwi, salungat sa mga kaklase ko na may sari-sariling grupo at lakad bago umuwi.
Hindi iyon ang unang araw na nakita ko siya kundi ang sumunod na araw noong sabay kaming pumasok sa classroom. Tulad ko, maaga din kasi siyang pumasok. Ngumiti lang kami sa isa’t isa at nag-usap nang kaunti tungkol sa assignment, at umalis din siya agad dahil dumating na ang mga kaibigan niya. Hindi ko pa alam noon na siya ang gabi-gabi kong kukulitin sa text at tatabihan sa classroom tuwing nababakante ang klase dahil wala ang teacher. Pero ayon, naging magkaibigan kami sa loob ng isang taon. Minsan, sabay kaming gumagawa ng assignment. Madalas, nagkkwentuhan kami ng mga bagay na wala namang saysay at sabay naming pinagtatawanan. Una akong nagkaroon ng cellphone noong nasa ikatlong taon ako sa hayskul, kaya’t kahit walang klase at nasa bahay lang ay nagpapalitan kami ng mga biro sa isa’t isa. Isang gabi, naisip ko na lang na siya na yung gusto ko laging makasama dahil masaya ako pag naririnig ko ang mga tawa niya, at masaya din ako kapag ako ang dahilan ng mga ngiti na iyon.
Noong unang binanggit sa aming klase ang tungkol sa prom, alam kong siya ang gusto kong unang makasayaw. Iniisip ko pa noon, sana ako din ang una niyang sayaw dahil espesyal daw ang unang sayaw. Gusto ko din kasing isipin na espesyal din ako sa kanya. Isang linggo kong inipon ang lakas ng loob para yayain siya na maging partner niya sa entrance. Niyaya ko siya, at pumayag naman siya. Maraming nang mga pang-aasar ang naririnig namin tungkol sa pagkakaibigan namin. Hindi ko alam kung nahahalata na din niya ang pagtingin ko sa kanya noon, pero hangga’t hindi siya kumokontra sa mga pang-aasar na iyon ay alam kong ayos kaming dalawa.
Dumating ang gabing bumago sa aming pagkakaibigan. Makulay at maliwanag na mga ilaw ang sinalubong namin noong sabay kaming pumasok habang nakakapit ang kaliwa niyang kamay sa kanan kong braso at naglakad sa gitna ng maraming estudyante na pinaghandaan din ang gabing iyon. Ngunit siya lang ang nakikita ko noon sa kahel na kasuotan niya. Hindi ko maiwasang ngumiti noon buong gabi kahit na paminsan-minsan ay kailangan kong itago iyon. Sa tuwing magtatagpo ang mata namin, gusto kong mabasa niya ang bawat ngiti ko sa kanya. Siya ang una kong naisayaw, at ako rin ang una niyang sayaw. Noong oras na iyon, para bang espesyal kami sa isa’t isa. Sa tuwing ilalapat niya ang kamay niya sa likod ko, o sa tuwing ilalapit niya ang mukha niya sa aking balikat dahil hindi niya marinig ang mga sinasabi ko dahil sa lakas ng musika, gusto kong sabihing gusto ko siya. Sa higit sa isang tugtugin na sinabayan naming dalawa, walang pagkakataon na sumakit ang mga paa ko o nangalay ang braso ko sa pag-alalay sa kanya. Naisip ko kasi noon, iyon ang oras na gabi-gabi kong inilalarawan lang sa tuwing ipipikit ko ang dalawa kong mata, at nangyayari na iyon.
Marami akong gustong sabihin sa kanya noon habang nasa gitna kami ng marami pang sumasaliw din sa mabagal na musika. Yung kung paanong siya ang una kong hinahanap sa tuwing papasok kami sa umaga, kung paanong tinatapos ko agad ang activities ko para matulungan ko siya sa kanya, kung paanong hinihintay ko siya tuwing uwian para sabay kami maglakad hanggang sa gate ng aming eskwelahan, kung paanong hindi ko namalayang gusto kong siya na rin ang makasama ko hanggang makatapos kami ng sabay, kung paanong nakikita kong siya na ang taong luluhuran ko matapos ay tatanungin kung ako rin ba ang gusto niyang makasama habambuhay. Pero noong oras na iyon, maingat ang pagsasalita naming dalawa dahil noong oras na iyon, hindi ako sigurado sa nararamdaman niya.
Ngayon iniisp ko, mas ayos na siguro na hindi niya nalaman noon dahil baka hindi siya magkakaroon ng kung anong mayroon siya ngayon. Naging malabo man ang mga araw matapos ng gabing iyon, malinaw naman sa akin ang nararamdaman ko sa tuwing makikita ko siya. Baka ganoon talaga, baka may mga salitang mas mabuting ikaw na lang ang nakakaalam. Baka may mga sayaw na kailangang tapusin sa simpleng pagbitaw. Baka may mga pagkakaibigang hindi na kailangang higitan. Baka may mga nararamdamang kahit malinaw ay malabong maibalik nang buo.