hindi ko gusto ang ulan.
6/11/2024 in Journals
kahapon ay higit isang oras akong naghintay na humupa ang baha sa tapat ng isang tindahan. walang tricycle na gustong bumyahe at lusungin ang lalim ng tubig. noong mga oras na nakatayo ako yakap ang aking mga braso, hindi ako sigurado kung ano ang hinihintay ko dahil hindi tumitigil ang malakas na ulan. kahapon lang ulit bumuhos ang ulan matapos ang ilang buwan. ang bawat patak ay sabik makalaya sa mga bisig ng ulap. malakas ang pag-patak nila sa lupa.
parang mga luha. na sa lalong hinihigpitan natin ang kapit sa ating mga mata ay lalong bubuhos ito nang malala. tulad ng mga ulap, ang mga mata ay napapagod sa pagbitbit ng bigat na dinadala. ang mata ang nagpapalaya sa atin sa lungkot sa pamamagitan ng mga luha. hindi ko gusto ang lumuha.
hindi ko gusto ang ulan. ang pagluha. hindi dahil ayaw kong lumaya sa kalungkutan kundi dahil hindi ko alam kung gaano kalalim ang maidudulot na baha. walang taong gustong lumusong sa malalim na baha. walang taong gustong malunod sa emosyon na hindi naman sa kanila nagmula. walang may gusto sa baha. sa luha. sa ulan. sa kalungkutan.
ang ulan, para sa akin, ay kalungkutan.